Thursday, October 11, 2007

Sa problema, kontradiksyon at pagiging tanga

Halos gabi-gabi kong iniiyakan ang mga bagay-bagay. Napakaraming kontradiksyon ang kailangan kong bakahin. Pero hindi naman ako nagrereklamo dahil gusto ko naman ang lahat ng ito. Gusto ko ng pagbabago. Gusto ko ang ginagawa ko. Kaya kung isang araw bigla na lang akong maglaho, sinisigurado ko na wala akong pagsisisihan dahil nagmamahal lang naman ako ng lubusan.

Isa akong bata na pinalaki sa maayos na tahanan, sa masayang pamilya at matinong mga paaralan. Pero sa kabila ng langit na kung saan ako lumaki, namuo sa akin ang galit na hindi ko malaman kung saan nagmumula. Kahit kailan, wala pa akong kinaharap na malaking problema.

Naalala ko noong nasa ika-6 na baitang ako, sa amin retreat, pinagsalita ang bawat isa sa harap. Kailangan naming sabihin ang aming mga hinaing sa aming mga magulang na kasama rin namin sa kwarto. Hindi ko alam kung anong masasabi ko. Gusto ko sanang arestuhin ang palagian nilang pagpunta sa mga prayer meetings at pag-iwan sa amin tuwing gabi pero isang retreat iyon. Sa oryentasyon ng simbahan, mabuti ang pag-alis ng mga magulang at pag-iwan sa mga anak sa gitna ng gabi dahil ang mga ito ay para naman magdasal at kumanta ng papuri sa Diyos. Kaya sinabi ko na lang na sa pakiramdam ko, wala silang tiwala sa akin dahil palagi nila akong pinagbibintangan na may ka-relasyon.

Kababawan.

Ganoon lang yata talaga ang konsepto ko ng problema sa buhay. Hindi ko talaga maugat ang galit ko. At ang galit ng henerasyong ito ng mga kabataan.

Pero ngayon, malinaw na ang lahat. Ang lipunang ginagalawan natin, kahit hindi ramdam ng mga maliliit na burgesya na tulad ko ang kalam ng sikmura at ginaw ng gabi sa kalsada, ay pinalaki tayo sa marahas at mapanlinlang na pamamaraan.

Ang akala nating galit dahil iniwan tayo ng ating mga minamahal.
Ang akala nating galit dahil hindi tayo kasing-payat ng mga modelo sa telebisyon.
Ang akala nating galit dahil masaya lang makinig ng emo at maglagay ng eyeliner.

Lahat ng ito ay ebidensya kung paanong naaapi ang ating mga pagkatao ng mga paniniwalang isinusuksok ng lipunang ito sa atin upang manatili tayong bulag sa mga tunay na problema.

Problema ng mga manggagawang hindi nabibigyan ng karampatang sahod.
Problema ng mga magsasakang inaagawan ng lupa.
Problema ng mga ama at inang kailangang pumasa-ibang bansa.
Problema ng mga nadedemolisiyong bahay.
Problema ng mga taong pinagkaitan ng maayos na buhay para sa ikauunlad ng iilan.

Lahat ng ito, buong buhay na isinilid sa isang kahon na tinatawag na HINDI KO BUHAY. Pero alam ko na na mali ito. Ayoko nang mabuhay para sa sarili ko lamang. Sabi ng nanay ko kanina, isang katangahan na problemahin ko ang problema ng buong Pilipinas. Kung isa itong katangahan, napakatalino lang pala ng karamihan. At kung totoo nga ito, mas pipiliin ko pa ring maging tanga. nang paulit-ulit. nang tuluy-tuloy. nang walang tigil hangang sa aking huling hininga.

Sunday, October 07, 2007

ang pagbaba

Pagpasok ko sa kwarto, parang nabalik ako sa panahong nagkukulong ako at nagpapatugtog ng malalakas na musika ng mga banda mula sa malalayong lupain. Nakikita ko pa rin ang mga nakakalat kong babasahin kahit sa totoo, binenta na ang mga iyon ni Ina nang lumisan ako, nang matanggap na niya na lumisan ako.

Binuksan ko ang aking tukador, tila walang nagalaw. Kakatuwang isipin na hindi ko pa rin nagagalaw ang mga nabili kong damit mula sa Divisoria. Sumweldo kasi ako noon at para makarami sa bagong damit, doon ako namili. Hindi ako dumalo sa isang mob para lamang magawa iyon. Sayang talaga lalo pa't hindi na rin ako nagkaroon ng pagkakataon na masuot sila. Iyon rin kasi yung panahon na nawalan ako ng ganang mag-ayos ng sarili. Ganoon naman hindi ba, 'pag alam mong mas maraming bagay ang mas mahalaga pa kaysa sa pag-iisip ng isusuot mo.

Napalingon ako sa kama at wala itong sapin. Nasaan na kaya yung tinahi ko dati? Sayang rin nga pala ang makinang niregalo sa akin nila Ama, siguro nangalawang na lang sa kahon. Wala naman kasi sa mga kapatid ko ang may tiyagang manahi at magdisenyo ng mga damit. Sa bagay, kahit ako, nawalan na rin ng interes. Mas masaya yatang maggamas at magtanim.


Sa isang sulok nakatambak ang mga ginuhit kong larawan. At dito, hindi ko na nakayanan. Mabilis ang pagdaloy ng luha sa aking mga mata, tila ba pagdaloy ng dugo ng mga sugatang kasama. Matigas na ang mga munti kong palad, hindi na bagay humawak ng pintura at mga materyales sa paglikha ng sining.

Totoo ngang marami akong naiwanan.

Kumatok ang nakababata kong kapatid at sinabing kakain na raw. Dagli akong nagpahid ng luha at nagligpit ng mga kinalat kong mga piraso ng alaala. Lumabas ako ng kwarto at dumiretso sa hapag-kainan kung saan nakaupo na ang lahat ng miyembro ng aking pamilya. Gusto nang sumabog ng mga katanungan ko sa dibdib. Kumusta na ba ang pag-aaral, kalusugan, pag-ibig, kaibigan nila? Panganay pa rin talaga akong kapatid ng mga naglalakihang batang ito. Hindi na kami nag-aagawan sa upuan at nag-aaway sa kung sino ang tatayo para kumuha ng kanin. Tahimik na kami. Hindi na kailangan pang sawayin. Kung buhay pa sana silang dalawa, paniguradong matutuwa sila.

Nang ibaba ko ang kutsara't tinidor sa gilid ng plato ko, biglang nabasag ang katahimikan sa tanong ng bunso kong kapatid.

"Ate, babalik ka pa doon?"

Saturday, October 06, 2007

Those who shy away from the contradictions of the current political system in the Philippines, I dare you to remain in your comfort zones once this very system is shattered. When we raise the flags of the oppressed and tear down the one belonging to the oppressor, you must not watch for your eyes was kept shut while we were shedding blood, tears, lives. We are not your enemies, yet you treat us with great disdain, fearing the very idea of being attached with us. More than our demonized image, this reflects how skewed your views are and how you seem to leap into conclusions without critical analysis of things. We are not to blame. We are those who push for change, an idea so bitter to your thoughts yet you rant and rant about this society yet you always press the idea that you have no choice. We all have choices, if only you are brave enough to fight for them.

kilala mo pa rin ba ako?


na para bang hindi na darating pa ang umaga
na siyang nakatakdang sumikat

ngunit sa isang tabi, isang kandila ang nagniningning,
nagpupuyos sa munti niyang gilid
nililiwanagan ang nauupos na pag-asa
na paggising sa umaga, babatiin ako
at hahagkan na parang walang naganap na kaguluhan

kalayaan
___

operation: buhayin ang blogger na blog

___

hindi naman sa marami akong oras kaya bubuhayin ang isa pang blog. marami lang kasi talagang nagaganap at maraming masasabi. ayokong nang maupo na lamang sa isang tabi at mangming isigaw na mga paksyet kayo! ambulok ng sistemang ito!

___

masarap ang pakiramdam na hayag mong naisisigaw ang nais mo.