Halos gabi-gabi kong iniiyakan ang mga bagay-bagay. Napakaraming kontradiksyon ang kailangan kong bakahin. Pero hindi naman ako nagrereklamo dahil gusto ko naman ang lahat ng ito. Gusto ko ng pagbabago. Gusto ko ang ginagawa ko. Kaya kung isang araw bigla na lang akong maglaho, sinisigurado ko na wala akong pagsisisihan dahil nagmamahal lang naman ako ng lubusan.
Isa akong bata na pinalaki sa maayos na tahanan, sa masayang pamilya at matinong mga paaralan. Pero sa kabila ng langit na kung saan ako lumaki, namuo sa akin ang galit na hindi ko malaman kung saan nagmumula. Kahit kailan, wala pa akong kinaharap na malaking problema.
Naalala ko noong nasa ika-6 na baitang ako, sa amin retreat, pinagsalita ang bawat isa sa harap. Kailangan naming sabihin ang aming mga hinaing sa aming mga magulang na kasama rin namin sa kwarto. Hindi ko alam kung anong masasabi ko. Gusto ko sanang arestuhin ang palagian nilang pagpunta sa mga prayer meetings at pag-iwan sa amin tuwing gabi pero isang retreat iyon. Sa oryentasyon ng simbahan, mabuti ang pag-alis ng mga magulang at pag-iwan sa mga anak sa gitna ng gabi dahil ang mga ito ay para naman magdasal at kumanta ng papuri sa Diyos. Kaya sinabi ko na lang na sa pakiramdam ko, wala silang tiwala sa akin dahil palagi nila akong pinagbibintangan na may ka-relasyon.
Kababawan.
Ganoon lang yata talaga ang konsepto ko ng problema sa buhay. Hindi ko talaga maugat ang galit ko. At ang galit ng henerasyong ito ng mga kabataan.
Pero ngayon, malinaw na ang lahat. Ang lipunang ginagalawan natin, kahit hindi ramdam ng mga maliliit na burgesya na tulad ko ang kalam ng sikmura at ginaw ng gabi sa kalsada, ay pinalaki tayo sa marahas at mapanlinlang na pamamaraan.
Ang akala nating galit dahil iniwan tayo ng ating mga minamahal.
Ang akala nating galit dahil hindi tayo kasing-payat ng mga modelo sa telebisyon.
Ang akala nating galit dahil masaya lang makinig ng emo at maglagay ng eyeliner.
Lahat ng ito ay ebidensya kung paanong naaapi ang ating mga pagkatao ng mga paniniwalang isinusuksok ng lipunang ito sa atin upang manatili tayong bulag sa mga tunay na problema.
Problema ng mga manggagawang hindi nabibigyan ng karampatang sahod.
Problema ng mga magsasakang inaagawan ng lupa.
Problema ng mga ama at inang kailangang pumasa-ibang bansa.
Problema ng mga nadedemolisiyong bahay.
Problema ng mga taong pinagkaitan ng maayos na buhay para sa ikauunlad ng iilan.
Lahat ng ito, buong buhay na isinilid sa isang kahon na tinatawag na HINDI KO BUHAY. Pero alam ko na na mali ito. Ayoko nang mabuhay para sa sarili ko lamang. Sabi ng nanay ko kanina, isang katangahan na problemahin ko ang problema ng buong Pilipinas. Kung isa itong katangahan, napakatalino lang pala ng karamihan. At kung totoo nga ito, mas pipiliin ko pa ring maging tanga. nang paulit-ulit. nang tuluy-tuloy. nang walang tigil hangang sa aking huling hininga.
Thursday, October 11, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment