Sunday, October 07, 2007

ang pagbaba

Pagpasok ko sa kwarto, parang nabalik ako sa panahong nagkukulong ako at nagpapatugtog ng malalakas na musika ng mga banda mula sa malalayong lupain. Nakikita ko pa rin ang mga nakakalat kong babasahin kahit sa totoo, binenta na ang mga iyon ni Ina nang lumisan ako, nang matanggap na niya na lumisan ako.

Binuksan ko ang aking tukador, tila walang nagalaw. Kakatuwang isipin na hindi ko pa rin nagagalaw ang mga nabili kong damit mula sa Divisoria. Sumweldo kasi ako noon at para makarami sa bagong damit, doon ako namili. Hindi ako dumalo sa isang mob para lamang magawa iyon. Sayang talaga lalo pa't hindi na rin ako nagkaroon ng pagkakataon na masuot sila. Iyon rin kasi yung panahon na nawalan ako ng ganang mag-ayos ng sarili. Ganoon naman hindi ba, 'pag alam mong mas maraming bagay ang mas mahalaga pa kaysa sa pag-iisip ng isusuot mo.

Napalingon ako sa kama at wala itong sapin. Nasaan na kaya yung tinahi ko dati? Sayang rin nga pala ang makinang niregalo sa akin nila Ama, siguro nangalawang na lang sa kahon. Wala naman kasi sa mga kapatid ko ang may tiyagang manahi at magdisenyo ng mga damit. Sa bagay, kahit ako, nawalan na rin ng interes. Mas masaya yatang maggamas at magtanim.


Sa isang sulok nakatambak ang mga ginuhit kong larawan. At dito, hindi ko na nakayanan. Mabilis ang pagdaloy ng luha sa aking mga mata, tila ba pagdaloy ng dugo ng mga sugatang kasama. Matigas na ang mga munti kong palad, hindi na bagay humawak ng pintura at mga materyales sa paglikha ng sining.

Totoo ngang marami akong naiwanan.

Kumatok ang nakababata kong kapatid at sinabing kakain na raw. Dagli akong nagpahid ng luha at nagligpit ng mga kinalat kong mga piraso ng alaala. Lumabas ako ng kwarto at dumiretso sa hapag-kainan kung saan nakaupo na ang lahat ng miyembro ng aking pamilya. Gusto nang sumabog ng mga katanungan ko sa dibdib. Kumusta na ba ang pag-aaral, kalusugan, pag-ibig, kaibigan nila? Panganay pa rin talaga akong kapatid ng mga naglalakihang batang ito. Hindi na kami nag-aagawan sa upuan at nag-aaway sa kung sino ang tatayo para kumuha ng kanin. Tahimik na kami. Hindi na kailangan pang sawayin. Kung buhay pa sana silang dalawa, paniguradong matutuwa sila.

Nang ibaba ko ang kutsara't tinidor sa gilid ng plato ko, biglang nabasag ang katahimikan sa tanong ng bunso kong kapatid.

"Ate, babalik ka pa doon?"

2 comments:

Anonymous said...

sthindi tayo umaalis upang may maiwan, umaalis tayo nang kasama ang hangarin na sila rin, ang ating pamilya,ang bunsong kapatid ay ating kasama. ang kanilang pangarap sa isang panatag na bukas ay isinusulong natin sa ating bawat 'paglisan'

hello there said...

ang pag-iwan sa mga bagay ay epekto ng paglisan. yan ang nais kong sabihin. pero hindi sapat ang mga ito upang pigilin tayo. dahil ayon na rin sa'yo, bahagi naman sila ng isinusulong.

sinasagot rin ng pamagat ang tanong sa itinanong sa huli: ang pagbaba. hindi ang pagbabalik. hindi ito pang-uusig ng konsensiya kundi paglilinaw sa tunay na kalagayan. isang malayong tanaw sa bukas na hindi lamang maaari kundi gusto kong tahakin. gusto ko lang ihanda ang sarili ko, unti-unting sinusuri ang mga bagay at nirreresolba sa sarili. :D

yuck, thesis defense mode pa ako! hahaa