Wednesday, February 14, 2007

balentimmmmes kwento

Hindi siya nananalamin kanina nung dumungaw ako mula sa bintana ng bus na sinasakyan ko. Saplot ko ang usok at alikabok mula EDSA hanggang C5, pati ang kagustuhan kong kumaripas ng takbo palayo sa mundo.

Masasabi kong ayaw ko na magpaistorbo.

Kaso kasi araw-araw kong inaabangan ang pagdaan sa Honeylette. Gusto kong nakikita siya na sumasayaw sa harap ng salamin. Kahit nakakabadtrip.

Tuwing ganoon ang sitwasyon, parang napakasaya niya. Hinahaplos niya ang kanyang buhok na parang walang inaalala, parang alam niyang sa pagsapit ng dilim, marami ang magnanasa sa kanya.

Sa araw-araw na nakikita ko siya na masaya, naiinis ako sa ideya na andun siya, sa impyerno na naliligiran ng makamundong pagnanasa at kahirapan. Ako naman, pauwi sa isang tila paraisong tahanan, masayang pamilya, masaganang buhay, pero hindi ko man lang madampi ang kamay ko sa buhok tulad ng ginagawa niya.

Kanina, sabay ang lungkot at tuwa na naramdaman ko nung nakaupo lang siya sa harap ng Honeylette, hindi masaya, mukhang walang magawa. Paano, ang mga nagnanasa sa kanya, nasa bahay o di kaya sa mga romantikong kainan. Paano kasi balentimes. Araw ng mga puso. Pusong may may-ari.

Lahat sila may may-ari. Walang natira doon sa babae sa may Honeylette kahit pagnanasa. Kasi balentimes.

Nung maisip ko ang mga ito, tinanggal ko agad ang tingin ko mula sa kanya.

"Kulang na lang impyerno at kahirapan, wala na kaming pagkakaiba."

Tumingala na lang ako sa nangangalawang sa kisame ng bus. Sabi ko sa sarili ko, pauwi ako sa langit kaya hindi kami magkapareho. Hindi pwede. Hindi ako naghihintay kasi pauwi na ako. Pagod na ako sa buong araw na klase sa Masscomm. At bukas, gagawa ako ng langit sa lupa. At hindi ako maghihintay. Hindi kami pareho.



Pero pagmamasdan ko siya ulit bukas.

No comments: